Tuesday 7 August 2018

SANAYSAY TUNGKOL SA FILIPINO: WIKA NG SALIKSIK (LANGUAGE RESEARCH)

     Ang wikang Filipino, na siyang pambansang wika sa Pilipinas ay ang wikang ginagamit sa lahat ng sulok ng bansa. Ito ang nagsisilbing sinturon upang maitali ang mga mamamayan upang maging isa sila sa kanilang mga diwa, pangarap at kalsadang tinutugpa. Mahirap na isipin kung walang sariling wika na magiging daan upang magkabuklod-buklod ang mga hiwa-hiwalay na isla ng Pilipinas. Sa paglipas ng panahon, mapatutunayan na ang wika ang siyang pinakamahalagang sandata upang maiparating ng isang bansa sa kanyang mga mamamayan ang mga pangyayari, kasaysayan at bahagi ng ekonomiya nito.

   Buwan ng Wika na ginaganap tuwing Agosto sa buong bansa. Dito iikot ang aktibidad na gaganapin sa bawat paaralan. Ito ay ang gagamiting basehan sa buong buwan na mga aktibidad gaya ng jingle writing, paggawa ng slogan/slogan making, poster making/pagggawa ng poster, pagggawa ng salaysay/tula/sanaysay at iba pa.

   Pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF ang Kapasiyahan Blg. 18-24 na nagpapahayag na ang tema ng Buwan ng Wika para sa taong 2018 ay “Filipino: Wika ng Saliksik.”

     Ano ba ang "saliksik"? Ang "saliksik" ay katumbas ng research sa Ingles. Alam mo siguro ang mga salitang nagsasaliksik o pananaliksik? Saliksik o "research", ibig sabihin nito ay matalik na paghahanap. Naghahanap tayo ng sagot o mga sagot sa ating mga katanungan. Kaya tayo nagsasaliksik. Ang akto ng paghahanap na ito ay tinatawag na "saliksik".

    Ang tema ay kumikilala sa wikang Filipino bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran. Makikita natin sa tema palang na ang pagbabago ay palaging nangyayari pati ang ating sariling wika ay merong mga pagbabagong nagaganap at sa kabilang banda maraming din itong pagbabagong naitutulong sa bawat Pilipino na patuloy paring nililinang at ginagamit ang ating pambansang wikang Filipino. Ang tema ay nakabase sa memorandum na ginawa ng DepEd sa tulong ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).

     Nais ng KWF na kilalanin ang wikang Filipino bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran.

     Sa pamamagaitan ng temang ito, layon ng KWF na palaganapin ang wikang Filipino sa iba't ibang larangan ng karunungan, lalo na sa agham at matematika. Gusto ng KWF na gamitin natin ang wikang Filipino sa pagsasaliksik natin ng kaalaman.

    Ang paggamit ng Filipino bilang wika ng saliksik ay nagbibigay at naglalayon na pagtibayin ang paggamit ng pambansang wika sa iba’t ibang larangan ng pag-aaral mapa-akademiko, syensya, atbp. Kung ito rin ay ating gagamitin sa pananaliksik, magkakaroon ng mas malalim na pag-unawa sa mga paksang kadalasa’y hindi batid o maintindihan ng karamihan.

    Ang wikang Filipino ang wika ng lahat ng tao na naririto sa Pilipinas at ito ang nagbibigkis sa ating lahat ano pa man ang iyong propesyunal na antas. Kung marami ang makakaunawa sa isang saliksik dahil ito ay inilahad sa lenggwahe na naiintindihan ng karamihan, mas mapapalawak din ang pagsulong ng isang pagsasaliksik. Ika nga nila, kung mas maraming ideya ang malilikom mula sa sari’t saring mga tao, mas napapalawak ang kaalaman tungkol sa isang bagay.

   Kung titignan natin, kakaunti sa mga saliksik dito sa ating bansa ang nakalimbag sa wikang Filipino. Karamihan sa mga ito ay nakalathala sa wikang Ingles. Mabibigyan lamang ito ng halaga ng maliit na porsyento na mga higit na makakaunawa sa mga ito.

     Sabi nga ng tanyag na pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal,  “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.”

7 comments:

  1. kamangha-mangha mahusay ka!

    ReplyDelete
  2. Malaman ang iyong mga salita, puno ng detalya!

    ReplyDelete
  3. Nakakamatay ang iyong mga salita. Ipagpatuloy mo pa ang iyong mga magandang ginagawa.

    ReplyDelete
  4. mahaba nga't makabuluhan. Magaling!

    ReplyDelete
  5. Tama iyan! Nawa'y mabasa ito ng mga kabataan upang maunawaan pa nila lalo ang ating wika hihi.

    ReplyDelete